ANG MENSAHENG ITO AY PARA SA MGA NAGHAHANAP NG KATOTOHANAN

Ni Rev. Elmo G. Calamaan
(In Filipino Language) 

Tayo ay nabubuhay dito sa materyal na mundo; kaya nararapat lamang na kumayod tayo o maghanap-buhay upang magkaroon ng sapat na pera na pambili ng pagkain, damit, at iba pang pangangailangan ng ating katawan. Kailangan din natin ang sapat na pera para may pantustos sa ating pag-aaral dahil kailangan din natin ang edukasyon. Oo, ang buhay natin dito sa lupa ay kailangan ng trabaho, pagkain, kasuotan, at edukasyon; at kailangan din natin siyempre ng karelasyon at mga kaibigan.

Sa ating maka-lupang mundo ay may tatlong uri ng kalagayan ng buhay ng tao: ang mahirap na uri ng buhay, ang katamtamang yaman na uri ng buhay, at ang mayaman na uri ng buhay.

May mga taong nagkakanda-hirap sa pagtatrabaho araw-araw ngunit hirap pa rin siyang makaahon sa kahirapan. May mga taong ayaw maghanap-buhay ng marangal, at mas gusto pa niyang magnakaw, gumawa ng iligal na gawain, mandaya, at pumatay para lamang makapamuhay ng masagana at masaya ang kanyang pamilya. May mga tao namang sobra-sobra na nga ang kayamanan ngunit wala pa rin siyang tigil sa pagpapayaman, at nakakagawa pa ng pandaraya, pagnanakaw, at panlalamang sa kapwa para lalong madagdagan ang kayamanan.

Oo, dito sa mundo na ating ginagalawan ay mahahanap mo ang pansamantalang kaaliwan; pansamantalang pagmamalasakit at pagmamahal; at mahahanap mo rin ang hindi makatwirang pagtrato o inhustisiya dahil may mga tao o grupo ng tao na tuso at mas may kakayahang lamangan at abusuhin ang kapwa nila nilalang.

Sa mga pagsusuri patungkol sa totoong ninanais ng tao, natuklasan na ang tunay na hinahangad ng tao ay makapamuhay ng tahimik, masagana, may pagmamahalan at pagkakaisa sa loob at labas ng kanyang tahanan, walang anumang uri ng sakit, laging masaya, at makapamuhay na ang kanyang kapaligiran ay punong-puno ng magagandang tanawin; at kung maaari ay walang kamatayan.

Ngunit dapat na harapin natin ang katotohanan na ang lahat ng taong nabubuhay dito sa lupang ibabaw ay hindi makakaiwas sa sakit at kamatayan. Bata man, matanda man, mayaman man o mahirap ay maaaring dapuan ng malubhang sakit, at darating at darating sa kanila ang kamatayan. Lahat ng ginagawa at tinatamasa natin ngayon dito sa mundo ay sa kamatayan lahat mapupunta, at sa mundo ng mga patay ay walang mahirap at mayaman.

Maaaring ang mahalaga lamang sa iyo ngayon ay ang paghahanap-buhay para masuportahan ang mga pangangailangan ng iyong sarili at pamilya; at para sa iyo ay nakukuntento ka na kung nakikita mong may sapat na pagkain ang iyong pamilya. O ang maaaring mahalaga lamang sa iyo ngayon ay mayaman ka, may mataas na pinag-aralan, may mga malalaking negosyo, at maimpluwensiya kang tao. Ngunit di mo ba naisip na di mo alam ang mangyayari sa iyo sa mga susunod na araw, at maaari kang dapuan ng karamdaman o biglang mamamatay at lahat ng mga ari-arian mo at tinatamasa sa buhay ay maiiwan dito sa lupa? Wala bang kuwenta sa iyo dahil alam mo naman talaga na ikaw ay mamamatay at hanggang doon na lamang sa maliit na puntod nagtatapos ang iyong mundo? Paano na kung ang paniniwala mo na ang iyong buhay ay nagtatapos lamang sa kamatayan ay hindi pala doon nagtatapos? Paano na kung ang kasunod pala ng pagwawakas ng iyong buhay sa mundo ay ang paghahatol? Na ikaw pala ay haharap sa pinaka-Dakilang Hukom na walang iba kundi ang Banal at Makapangyarihang  Diyos sa lahat? Paano ka haharap sa Kanya kung di mo naman ginustong makilala Siya upang mahalin at paniwalaan? Paano ka haharap sa Dakilang Diyos na iyong hinamak at ginawang walang kuwenta ang Kanyang mga Salita dahil ang iyo lamang inibig at pinahalagahan noong ikaw ay nabubuhay pa sa lupa ay ang iyong kayamanan at mga oras at araw ng iyong paghahanap-buhay? Siguradong katakot-takot na tirahan ang naghihintay sa iyo pagkatapos ng paghuhukom! Tirahan na kung saan ay doon dadanasin ang walang katapusang pagkabagabag ng budhi, pagkatuliro ng isipan, at walang katapusang lungkot at pagkapaso ng mainit na apoy ng buong katawan! Oo, tirahang mararanasan ang napakainit na paso ng apoy ngunit walang katapusang kadiliman! Mabibigla ka na lamang sa huli dahil sa buong buhay mo ay di mo ito pinaniwalaan.

Ang panulat na ito ay hindi upang takutin ang sinuman para lang mapilitang umanib sa isang relihiyon. Ang panulat na ito ay nagsisilbing babala sa lahat upang huwag magmalaki sa buhay na kasalukuyan; at upang hindi lamang ang buhay at kasaysayan dito sa lupa ang pahalagahan, dahil tayong lahat at lahat ng mga bagay at nabubuhay dito sa lupa ay mawawala. Hindi relihiyon dito ang pinag-uusapan kundi kung paano maliligtas ang sinuman sa nag-aabang na walang hanggang kaparusahan pagkatapos ng buhay dito sa lupa.

Kung di ka intresado at walang kuwenta sa iyo ang mensaheng ito ay walang pumipilit sa iyo dahil sinabi na noon pa ni apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Corinto ang ganito: “Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong naliligaw ng landas, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas (1 Corinto 1:18).” At dahil kapangyarihan ng Diyos ang mensaheng ito sa mga naliligtas at naghahanap ng katotohanan tungkol sa buhay at kaligtasan, hayaan natin na ang mensaheng ito ay para sa kanila, dahil ang mensahe ng krus ni Cristo ay talagang nakatakda at nakalaan sa kanila. Si Cristo ay naparito sa mundong makasalanan upang ibigay ang mensaheng magbibigay ng pag-asa at kagalakan sa mga taong nababagabag at nagsisisi sa kanilang mga kasalanan…sa mga taong naghahanap ng katotohanan tungkol sa buhay…at sa mga taong gustong makamtan ang buhay na walang hanggan. Di Siya naparito sa mga taong mapagmalaki at nagsasabing sila ay di makasalanan…sa mga taong ang mahalaga lamang sa kanila ay ang kayamanan at buhay dito sa lupa…at sa mga taong hindi intresadong malaman kung papaano makakamtan ang buhay na walang hanggan. Si Cristo ay di Siya naparito para ibigay sa mga baboy ang perlas. Ang perlas ay para sa kanyang mga hinirang na nagnanais na makinig sa Kanyang mga salitang nagbibigay ng buhay.

Hindi nagtatapos  ang buhay ng tao dito sa mundo. Ang inaasam ng karamihan na makapamuhay sa isang lugar na mapayapa, maunlad, masaya, puno ng pagmamahalan, magandang kapaligiran, at walang kamatayan ay hindi isang panaginip at kuwento lang, ito ay totoo kung paniniwalaan mo. Ang ating Panginoong Jesu-Cristo ang tanging daan papunta sa lugar na ito (Juan 14:6). Si Cristo ang ibinigay ng Diyos Ama upang magbayad sa kasalanan ng mga tunay na nagsisisi at nasisisampalataya sa Kanya (2 Corinto 5:21). Kahit gaano ka kasama…kahit gaano kalaki ang nagawa mong krimen…anuman ang naging kasalanan mo ay patatawarin ka ng Diyos kung taos-puso kang nagsisisi at humihingi ng tawad sa Kanya. Lumapit ka kay Jesus at taos-pusong manampalataya sa Kanya, at sa oras ding yan ay magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16).

Sa Ngalan ng Diyos + Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen!